EUGENE Y. EVASCO
HINDI AKO
NALILIGAW SA AKING KATAWAN
Hindi ako naliligaw
sa aking katawan.
Kabisado ko ang
bawat hubog,
nakasaplot man ako
o nakahubad,
nakaharap man sa
salamin
o hindi. Wala akong
hindi
kilala. Kilala ko
ang mga bahaging
nangangailanagn
ng haplos.
Kabisado ko ang
balat
na kailangang ilantad
at ang lamang kailangang
ihain.
Wala ni isang piraso
ng sarili
ang nawawaglit,
natatangay
kapag nagsasabon
o nagbabanlaw.
Dinig ko ang awit
ng katawan
sa mga pagkakataong
may katunggali,
kapanalig, kabalikat,
katalik.
Inihihimig nito
ang pagdiriwang,
umaalingawngaw tulad
ng budyong
tuwing susungaw
ang araw
o kapag sinasalubong
ng madla
ang unang minuto
ng bagong taon.
Kilala ko ang aking
katawan
at hindi nito ako
maililigaw,
paikutin man akong
paulit-ulit
sa umpukan ng palengke
at parke,
ibahin man ang ruta
ng aking dinadayo,
aking ginagalugad,
aking tinutuklas.
Sa pagkakataong
katawan ko'y pagal,
mga mata ko ang
naglalakad.
Kapag tahimik ang
matabil na dila,
mga braso ko ang
umiimik.
Sa pagkakataong
ako'y nakapikit,
nakadilat ang bibig
ko at lumilingon.
Wala akong aangkining
hindi ko pag-aari
kahit ihanay pa
ako sa mga katawang
hubad at nagsisiksikan
sa silid,
kahit pa himbing
akong natutulog.
Mga hawas ng aking
katawan
ang nagtatakda ng
pangalan at palayaw
sa pag-aari kong
kalawakan.
At nagigising akong
hindi ulyanin--
walang nakakaligtaan
sa bawat pagbangon
dahil kilala ko,
dahil kilala ko
ang aking katawan
at hindi nito ako
kailanman maililigaw.
|